Ako si J10
i submitted this story for my FIL21 requirement, inspired by a similar story written by my sister entitled "Ako si Jolibee". i got a 1.25 (^_^)
Ako si J10. Hindi po “Jio” ha, “Jey-ten” po ang basa sa
pangalan ko. Sampung taong gulang po ako
at nasa ikaapat na baitang. Siguro po ay
nagtataka kayo kung bakit kakaiba ang pangalan ko. ‘Wag niyo na po sanang itanong ng masyado sa
akin kung bakit, kasi yun na po ang nasa besertipikey ko (birth
certificate). Basta sabi po ng mga
magulang ko “special” daw ako. Bunso po ako sa sampung magkakapatid sa aming
masayang pamilya.
Si kuya Jimboy and
panganay sa’min na masaya sa kompyuter. Nagtatrabaho na siya sa lugar na maraming maraming kompyuter.
Si
kuya Jovito naman (“hobito” po ang basa) ay kakatapos palang ng kolehiyo at
ngayon ay naghahanap na ng trabaho. Masaya siya dahil kay ate Lita, ang masayang girlpren niya. Si ate Lita ay medyo malusog, ngunit maputi
at makinis naman ang balat. Madalas nga
po ay naririnig kong tinatawag siya ng kanyang mga kaibigan na “Chabilita”,
pero mahal na mahal pa rin siya ni kuya Jovi.
Si
ate Jolenna, o ate “Jolens” naman po ang pangatlo. Mahilig po siya sa isports. Ang pinaka paborito niya na isports ay ang
boksing. Idol niya po si Manny Pacman. Sabi
sakin ni kuya Jovi na nung bata pa raw si ate Jolens ay mahilig na po siya
makipag-away. Hindi pumapayag sina itay
at inay na manood siya ng boksing sa TV, kaya hindi siya masyadong masaya. Ayaw man nila inay at itay ay patuloy pa rin
siyang nagpapraktis sa aming bakuran. Sira na nga po ang puno ng saging namin eh.
Ang
pang-apat naman at pang-lima sa amin ay kambal. Si kuya Jolimak, o “Jopak”, at si kuya Jomarko, na mas kilalang si
“Japok”. Sina kuya Jopak at Japok ay
parehong masaya sa haiskul. Malapit na
sila mag-gradweyt. Kahit madalas silang
na-oopis at na-gagaidans sa iskul ay masaya pa rin sila pagkatapos. Maliban nalang kapag pinapatawag na si inay
sa iskul, hindi na sila masaya.
Pang anim naman po si ate Jolisa. “Isa” po ang tawag namin sa kanya. Nasa ikatlong taon na siya ng haiskul. Mukhang hindi siya masyado masaya dahil lagi
po siyang nag-iisa. Pero sabi niya sa
amin ay masaya na siyang nag-iisa dahil mahilig siyang magbasa. Si ate Isa ang pinakamatalino sa amin. Lagi siyang una sa klase. Siguro po dahil masaya ang kanyang
salamin. Siya lang po ang may salamin sa
aming pamilya. Makapal pa ito at masaya.
Si
ate Julibet naman po ang pang-pito. Unang taon palang siya sa haiskul. Hilig niya ang mga gawaing bahay. Lagi niyang tinutulungan si inay. Hindi ko alam kung bakit minsan “Inday” ang tawag nila sa kanya sa bahay. Basta alam ko masaya si ate Julibet (kasi
nakita ko siya may kaholding-hands sa labas ng bahay nung wala sina inay).
Ang
pang-walo naman po ay si kuya Jamol. Mag-gagradweyt na rin siya sa elementary kasi po grade 6 na siya. Masaya si kuya Jamol kapag kasama ang mga
kaibigan niya. Paborito nila maglaro ng
Beyblade. Minsan nga ay nag-uuwi si kuya
ng mga bagong Beyblade na napanalunan niya. Masaya din ako dahil binigay niya ang isa sa akin. Sabi niya ayun daw ang pinaka-espesyal na
Beyblade dahil gawa pa daw ito ni Kenshin ng Samurai X. Kulay brown po ito at parang may mahabang
matulis na bakal sa dulo nito. May
taling puti nga itong kasama nang ibigay ni kuya sa akin. Sabi ni kuya matibay daw ito dahil hindi ito
gawa sa plastik. Kaya lang hindi ko pa
nasusubukan ilaban ito eh.
Ang
kuya kong sumunod sa akin ay ang pinakamahal naming kapatid. Mahal namin siya dahil siya ay
“special”. Mas “special” pa daw sakin
sabi nila, pero basta alam ko sabi ni inay ay “special” din daw ako. Si kuya Jabong ang pangalan niya. Hindi ko alam kung bakit tinatanong ng mga
kaibigan ng nanay ko sa palengke kung bakit ayun ang ipinangalan niya kay
kuya. Basta alam ko sabi ni itay, paborito
daw ni inay si Bong Revilla nung mga panahon na siya ay nagbubuntis, at para
masundan ang gusto ni itay na “J” lahat ng simula ng mga pangalan namin ay
ginawa nalang itong “Jobong”. Minsan ang
mga tao sa palengke ay tinatawag siyang “Jabongga”. Hindi ko alam kung bakit pa nila pinapahaba. Kuya “Bong-Bong” ang tawag ko sa kaniya. Lagi ko siyang kinakausap at kinekwentuhan kahit
parang hindi siya nakikinig at laging umuuga o kumokoyakoy. Ok lang yun dahil sanay na po ako. Masaya palagi si kuya Bong-Bong. Minsan makikitang naglalaro ng Lego o kaya
mga bloke ng ABC. Lagi ko ngang
nililinis ang kuwarto niya pagkatapos niyang maglaro kasi katabi ko ito. Hindi ko nalang ginagalaw ang mga laruan niya
kasi puro ito laway.
Napansin nyo po
naman siguro na lahat ng aking mga kapatid ay may pangalang nagsisimula sa
letrang “J”. Hindi ko po alam kung
bakit, pero ito ang kagustuhan ng aming mga magulang. Syempre hindi papayag sina inay at itay nay
ang bunso nilang anak ay hindi magsisimula sa “J” ang pangalan (ako yun), kaya
lang siguro po ay naubos na po ang mga pangalang nagsisimula sa “J” kasi
ginamit na lahat ng aking mga ate at kuya, kaya po “J10” nalang ang pinangalan
sa akin. Ako na po ang bunso. Sinabi ko na pala yun. Hindi ako masyadong masaya dahil madalas ay
mali
ang tawag ng mga
tao sa akin. Lagi nila ‘kong tinatawag
na “Jio”. Sinaagot ko nalang sa kanila
na “J10 (Jey-Ten) and pangalan ko, hindi Jio!”. Minsan ay nasigaw ko ito sa aking titser at nagalit siya. Kanina pala yun, kaya ngayon ay nasa opis po
ako ng gaidans. Pero ngayon, dahil
naaalala ko ang aking mga kapatid na mahal na mahal ko (lalo na si kuya Bong-Bong),
masaya na ako!